Martes, Pebrero 5, 2013

Ang timeline ng Tito ko


Timeline ang tawag sa format ng Facebook upang madaling makita ng friends at ng publiko ang mga nangyayari sa buhay ng isang tao… Ngayong umaga, hayaan niyo pong ibahagi ko sa inyo ang timeline ng tito ko.

Arnulfo Guevarra ang tunay niyang pangalan. Arnold at Nol naman ang kilalang palayaw. Isang matiyaga at maalagang tito para sa mga pamangkin, maayos at istrikto basta kalinisan ang pinaguusapan para sa mga kapatid, at mapagmahal na anak sa kanyang magulang, patunay ang minsa’y mga pagsaway mismo kay lola pag  nagpapagod. Hindi ko po masyadong alam kung ano siya bilang kaibigan ngunit tiyak ko nanaging kaibigan siya ng marami pang iba.

Nagpakwento pa kami unti ng tungkol sa kanya… Noong elementary daw, pag pasok sa eskwela ay talagang malinis at maayos dapat ang hitsura niya. Kahit sa iba pang mga lakad, hindi pwedeng mukha kang palaboy o basura. Nang maging kabataan ay naging aktibo rin sa simbahan dito sa Iba Central UMC kung saan siya’y naging presidente rin ng mga kabataan noong kanilang kapanahunan.

Nang nagbinata na, siya’y natutong maggitara at kumantaFolk at country songs, yan ang forte niya. At dahil talagang may talento sa pagtugtog ay nagpalipat lipat siya sa mga bar sa Olongapo para lang magperform. Sabi nila, pinaghalong John Denver at Neil Young ang boses niya. Morning has broken niCat Stevens, Heart of gold ni Neil Young at Country road ni John Denver ang ilan sa paborito niyang tinitipa. Ika nga nila, pinaiiyak niya ang gitara sa paghagod pa lang niya dito kaya di maikakaila na talagang dama mo na pag siya ang kumakanta.

Siya’y nag-asawa ang ngala’y Nellie Bada. May anak siya ang ngalan nama’y Rowena. Ngunit sa hindi ko nalamang dahilan, ay sila’y naghiwalay na matagal nang panahon ang nakalipas at hanggang ngayo’y hindi na nagkita pa. Sayang dahil hanggang balita na lang ang maipaparating sa dati niyang asawa.

Minsa’y nalulong sa alak at sigarilyo, dahil na rin siguro sa pangungulila at pagi-isa. Pero di kalauna’y lumuwas ng Maynila at nakahanap ng kasiyahan sa pagaalaga ng mga apo mula sa mga pamangking dati’y siya rin ang nagkalinga. Naaalala pa namin pag may achievements nga kami, isa siya sa excited na ipinagmamalaki ito. Pag may pera siyang nakuha maliit man o malaki, pupunta yan sa ukay-ukay at pipili ng mga branded at may class na mga damit para minsan sa sarili pero kadalasa’y para pa rin sa mga apo.Ganun siya maging tito!

Hanggang noong isang taon nang magsimula ang hindi inakalang sakit na aabot sa ganito.

Una’y isang maliit na bukol lamang na itinago, hanggang sa lumala at naging sugat. Sugat na pinacheck up at inasahang gagaling din, ngunit nabigla nang malamang ito’y isa na palang kumalat na kanser mula sa hindi malamang pinanggalingan. Pinagamot at ginamitan ng alternatibong gamot at naextend pa ng ilang buwan ang sinabing stage 4 na mapaminsalang kanser.

Sa mga buwang lumipas mula Pebrero, ay ipinadama ang pagkalinga at pagmamahal ng buong pamilya… Nagkaroon ng selebrasyon, kainan, pagbibisita, pagdadala ng prutas, pagkain, at iba pa.Jamming na may gitara kasama si Papa Ting at kantahan pang walang sawa sa videoke. Lahat nang ito ay ibinigay at tinupad ayon sa ikasisiya ng Tito Nol.

Mayo nang umuwi pa siya sa Iba, Zambales at nakipiyesta pa. Parang walang iniindang sakit na noo’y nasa medyo kritikal na kalagayan na, pero nakitaan pa rin ng kalakasan.

May mga panahong nakakainis ang pagsitsit niya at pagtawag ng madalas, kahit wala namang dahilan. Minsa’y nagbubugnot na rin siya dahil sa hindi komportableng pakiramdam. Lalong naging masungit nang umusad pa ang mga araw, dahil na rin sa kawalan ng kapanatagan ng kalooban at sa sakit na nararamdaman.

Sa mga araw na iyon ay sinamantala ang pagbabahagi sa kanya kung gaano siya kamahal ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang pamilya. Sa tuwing ipananalangin, ay laging bigkas ang pagasang dala ng kaligtasan ng Maykapal. At kahit sa huling mga sandali, alam kong siya’y nagbalik-loob at nanalig muli sa ating Panginoon.

Ika 25 ng Setyembre ng taong ito, araw ng Martes, pasado alas tres ng hapon ng matanggap namin ang balita...

“Wala na siya. patay na si Tito Nol!”
Nagulat kami kahit hindi na kagulat-gulat, pinipilit na hindi maniwala ng isip sa isang text message. Pano, nung hapon ring iyon ay hinintay pa namin si Papa Ting, na kasalukuyang nasa Subic na, upang tumulong na ilipat siya sa bahay noong gabi ring iyon.

Noong gabi ng Lunes may mga litratong pinakita si Mama, old at baby pictures niya na bigla na lamang lumitaw. Balak pa sana naming ipakita pag uwi niya sa aming bahay. Plano ring manghiram ng gitara at magjamming with Papa Ting para man lang mapangiti siya at mapagaan ang loob na pinanghihinaan. Pero wala na, plano na lang pala lahat ng iyon.

Habang sinusulat eto ay hindi ko mapigilang malungkot, maluha at magreminisce ng mga panahong siya'y may hininga pa... Akala ko hindi ako iiyak dahil alam naman naming isang araw ay hahantong na nga sa ganito ang buhay niya dahil sa kanser.

Nagkamali ako. Buong pamilya ay nagdalamhati sa pagkawala ng isang mahal sa buhay. Personally,nanghihinayang ako sa pagkakataong naging abala ako ng isang linggo at hindi ko na siya nabisita. Isa kasi ako sa mga nurse na nagaalaga sa kanya kasama si Lola, Mama, Nanay, Papa Ting, at mga apo. Naglilinis at nagtatapal ng kanyang sugat, naghihilot ng kamay, nagpapakain at tumutugon sa bawat pagsitsit niya..

Ang huli naming pagkikita ay nung huling dalawang linggo kung saan isang maaliwalas na mukha at pagasa mula sa kanyang mga mata ang aking huling nakita. Kinekwento niya kasi yung gamot na nagngangalang serpentina at healing miracle na narinig niya sa radyo, na ang sabi ko nama’y ‘Sige to, subukan nating hanapin yan’.

Dumating nga ang Martes at nagpapapaligo pa siya kay Mama at Nanay Bebot. Hanggang sa huling sandali ay hindi naalis ang kaselanan at kalinisan niya sa katawan. Sinasabi nga namin, ‘Hay, maarte pa rin talaga si Tito’. At ang huling sulyap sa kanya ay nung nagpabili siya ng unan kay Nanay Bebot na sinasign language na dahil sa kawalan ng boses. At nang siya’y nagi-isa na, duon nawalan na nga siya ng buhay. Tahimik at matiwasay.

Isang mahalagang aral ang itinuro sa amin ng kanyang pagkawala at naisip kong ibahagi sa inyo. Ang kwentong ito’y upang ipaalala sa lahat ng makaririnig nito na "habang may buhay ang ating mga mahal sa buhay, ipadama natin sa kanila kung gaano natin sila kamahal". Wala nang mamaya mamaya pa, o bukas na lang. Hangga't may pagkakataon, ipaalam natin sa kanila kung gaano sila kahalaga.

Sa edad na 56 nagtapos ang kanyang buhay sa mundong ibabaw. Ngunit ang timeline niya’y magpapatuloy sa mga aral at alaalang kaniyang iniwan. Sayang lang na hindi niya naipamana ang husay ng kanyang kamay sa paggigitara at magandang boses sa pagkanta sa aming mga pamangkin niya..

Ngayon ay panatag kaming ika’y nagbalik na sa permanenteng tahanan kung saan wala nang hirap, wala nang sakit, wala nang kalungkutan. Gayunpaman, nais naming malaman mo na mamimiss ka namin tito nol. Ngayon makakapahinga ka na... Paalam.

[sharing the lifestory na binasa sa huling service ni tito nol]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento