KaBAHAGIKa 6 . May 7-13, 2012
Ito ang pangalawang beses kong nakadalo ng KaBAHAGIKa, isang programa ng Asuncion Perez, Board of Women’s Work ng UMC, CYCFD at NCCP, na nagbibigay ng pagkakataon sa ilang mga kabataan na makipamuhay sa community at magkaroon ng kaalaman sa mga napapanahong isyu ng bayan. Ang tema sa taong ito ay YES for the Environment (Young Ecumenical Stewards of Creation) at nagfocus sa isyu ng MINING. Ginanap ito sa Decker Homes sa QC at sa iba’t ibang parte ng Nueva Vizcaya…
Mga kabataan mula sa iba’t ibang denominasyon ang aming nakasama. Merong YIFI, UMYF, UCCP, RC, SKEP, AIMP,atbp. Sa unang dalawang araw, nabusog kami hindi lamang sa mga pagkaing inihahanda sa Decker Homes, kundi pati sa impormasyon tungkol sa topic focus – MINING sa PILIPINAS. Tinalakay ng aming mga mahuhusay at kilalang mga tagapagsalita ang Mining situation ng ating bansa, at duonnagsimula ang pagkamulat namin na may ganito palang usapin sa labas ng aming mga simbahan.
Pero alam ko na kahit nakakain na kami ng mga datos ukol dito ay hindi pa rin sasapat dahil hindi naman lahat sa amin ay nakararamdam ng concern o pakialam sa isyung ito, lalo na sa aming mga nasa siyudad. Sabi ko nga kanina, may layon ang programang ito na maranasan namin, first-hand, ang makipamuhay sa isang community upang lalong maappreciate ang mga bagay na aming natutunan. Kaya naman sa mga sumunod na araw ay tumungo na kami sa Bayombong, Nueva Vizcaya upang magsimula sa aming ‘community immersion’.
Una at pangalawang stop, Bayombong UMC at St. Joseph Chapel, Nueva Vizcaya.
It took 9-10 hours para makarating kami rito. Nagalmusal at nagaral ulit tungkol sa provincial situation ng mining sa NV. Pagtapos nito ay tumungo kami sa Belance, sa St. Joseph. At isang gabi kaming nagstay dito dahil sa hindi inaasahang ulan at pagkagabi ng amin sanang biyahe patungo sa aming ‘community’. Ang maganda rin naman nito ay nakapagpahinga at mas nakapaghanda kami para sa pakikipamuhay sa susunod na araw.
Natuwa lang ako dahil may nakita akong kakaiba dito. Ang pagpepreserve ng karne sa pamamagitan ng pagpapausok. Akala ko nung una ay chimney lng. hehe, pero nlaman ko kay manong Superino, residente doon, na 9 days na ito doon at knukuha dito ang mga pangsahog sa gulay atbp... mahusay! :)
Pangatlong destinasyon… Yabbi, Dupax, Nueva Vizcaya.
Magaalas singko ng umaga, mula sa Belance, lulan ng dalawang truck, isang maliit at isang katamtamang size (hindi ko alam ang tawag) na truck, ay tumungo na kami sa aming community - sa YABBI… Mahigit tatlong oras ang biyahe, hindi ko alam kung ilang bundok ang tinawid at inakyat ng aming sasakyan, pero iisa lang ang sure na alam ko… NAKAKAMANGHA ang mga nilikha ng Diyos! Nakita namin ang wonders ng kalikasan, ang matatarik na bangin, kabi-kabilang kabundukan, iba’t ibang klase ng puno at halamang hitik sa mga dahon, at nalanghap ang napakabangong simoy ng sariwang hangin.
Hindi naging madali ang biyahe… Napakaraming zigzag, matagtag at matatarik na daanan na kaunting pagkakamali lang ay tiyak sa bangin ang kahihinatnan. Pero salamat kay manong driver na expert sa pagtahak ng mga daang ito, safe and sound kaming nakarating sa Yabbi.
Dito na kami dinistribute sa aming mga host families o sa mga pamilyang kukupkop sa amin habang naroon kami sa kanilang baranggay. Ang lugar ng Yabbi ay nasa isang literal na bundok, at ang karamihang mga nakatira rito ay bumaba mula sa Ifugao, Benguet. Sila ay mga Bugkalot at Ibaloy.
Sa dalawang araw naming pamamalagi roon ay napakaraming mayayamang karanasan at aral ang aming binaon. May mga nakaranas na magtanim ng luya, tubo atbp, pati ang pagsakay sa kalabaw. May mga tumulong rin gumawa ng walis tambo, pumunta sa kweba, at makisaya sa isang kasalan sa gitna ng kabundukan. Bagaman walang kuryente, walang signal at walang maayos na CR, ay hindi matatawaran ang pagtanggap sa amin ng mga tao roon, isang dahilan upang kami ay tuluyang naging masaya sa pakikipamuhay sa mga kapatid natin doon.
Nakakatuwa at nakakapagod malaman na ang sinasabi nilang ‘kapitbahay’ ay isang bundok ang pagitan mula sa kanilang tinitirhan. GRABE! Kaya naman ang bawat paglakad namin doon ay naging memorable sa amin dahil talagang literal na tatahakin mo ang isang bundok para lamang makarating sa iba pang kasamahan. Samahan mo pa ng pagkapit ng sikat na alematik habang naglalakad ka sa mga damuhan. Sino ba naman ang hindi nakakakilala sa alematik, ga-sinulid na maliliit na tila kamaganak ng linta dahil sumisipsip din ito ng dugo sa mga nakakapitan niya. WAAA! Isa ko sa biktima nyan…
May mga nakatikim din ng mga pagkaing first time lang nila natikman. Ang pinikpikang manok, na kung saan ay hindi ginigilitan ng leeg bagkus ay pinupukpok lang ang manok hanggang sa mahilo at saka iihawin at titimplahan. Ihalo mo pa sa brown rice, AYYY talaggang napakasustansiya! Ang balatong (di ko sure kung tama ang tawag) basta ito ung monggo+noodles. Ang amis na sinasabing kakaibang gulay na parang damo na ampalaya ang lasa. At ang paborito ng mga taga roon – ang NGA NGA.
Ang pagalis namin sa lugar ay hindi nangangahulugang katapusan ng aming repleksyon tungkol sa buhay. Marami kaming natutunan at hindi lang puro kasiyahan at tawanan. Naniniwala akong nakapagdulot din kami ng kahit kaunting ligaya at ngiti sa puso ng mga taong narito sa pamamagitan ng aming pagbabahagi ng aming buhay sa kanila. Hindi man namin maipangakong makabalik pa muli sa lugar na ito ay sigurado namang hinding-hindi namin makakalimutan na minsan ay naging kabahagi kami ng mga kapatid natin sa YABBI.
Last but not the least stop, Didipio Mining Site.
Hindi ko sure kung ito ay located sa Quirino. Basta from Bayombong UMC, nagprepare na naman kami sa isang byahe patungo sa other side of the story. Apat na oras lang naman ang itinakbo ng byahe patungo sa sinasabing isa o pinakamalaking mining operation sa ating bansa ngayon. After namin makita ang kagandahan at yaman ng kalikasan ay ipinakita naman sa amin ang kabaliktaran nito – ang on-going mining operation sa Didipio.
Akala ko noon sa picture ay isang bundok pa lamang ang apektado sa operasyon na ito ng Oceana Gold Mining Company, ngunit ng kami ay nagtour na dito, nakita namin na napakalaki na pala ng sakop nito. GRABE rin! May mga makikita pa ngang sa gitna ng minahan ay may mga palayan, napakaironic.
Hindi lahat ng residente ay sang-ayon sa operasyon ngunit ano nga ba ang boses ng mga maliliit na taong ito kumpara sa malahiganteng kumpanya na may perang pangmudmod para makuha ang gusto nila?
May isang grupong tumututol at nakikipaglaban pa rin para matigil ang operasyong ito. Sila ay nananatiling malakas at umaasa na may patutunguhan ang kanilang hinaing. Ngunit sa kalagitnaan ng usapan ay nagshare ang isang kasamahan. Ayon sa kanya, nakakapagod, nakakapanghina na parang walang pinatutunguhan ang kanilang laban.
Matagal na nila itong isinusulong pero mismong ang mga leader na kanilang nilalapitan ay parang hindi sila naririnig. Gusto na nilang sumuko pero kung hindi sila lalaban, sino pa?
Damang-dama ko ang bigat na nasa puso ni tatay. Halos maiyak na ulit ako sa kanyang pagbahagi ng totoong nararamdaman. Katanungang muling nabuo sa aking isipan, ‘Meron nga bang pakialam ang mga namumuno sa kanila? Bakit tila hindi nila nakikita o naririnig ang sitwasyon ng mga maliliit na taong ito? Dahil ba wala silang benefit na makukuha kung papakinggan nila ito…’ Pero bilang isang namumuno, di ba’t dapat ang prayoridad ay ang mga taong pinamumunuan at hindi ang perang makukuha mula sa malalaking kumpanya? Paano na sila?
Alam kong wala ako sa posisyon para sa mga gantong kaisipan dahil wala rin naman ako sa sitwasyon at wala akong alam sa kabilang side, pero simple lang naman ang dahilan bakit ako nagkakaron ng mga katanungang ganito… Ang pakialam sa mga taong nakita kong naaapektuhan at nahihirapan ngunit walang kalaban-laban. Kelan kaya sila mapapakinggan? Kapag huli na ang lahat? Wag naman sana…
Ilang personal na repleksyon ang aking gustong itala rito.
Una ay tungkol sa napakasimple at payak na pamumuhay dito. Walang TV, cellphone, computer, gadgets, (radyong de baterya lang ang nakita ko) at maski kuryente ay limited lang ang source. Pagtapos ng aming hapunan, ay natural na dumaloy ang usapan tungkol sa mga bagay bagay, mapa-personal, tungkol sa community, sitwasyon ng mining, tawanan mula sa mga biro, atbp. Depende raw ang tagal ng kwentuhan kung may alak pang nakahanda para sa pagpapalalim pa ng usapan. Nakita kong dahil sa less ang kumukuha ng atensyon ng bawat miyembro ng pamilya ay nagkakaroon sila ng oras sa isa’t isa at nagdudulot ng mas magandang family bond.
Dito, nabubuhay sila ng maayos kahit sa pagtatanim lang. Kahit walang trabahong kinsenas ang sweldo, nakakakain sila ng masusustansyang pagkain, may maayos na bahay silang tinutuluyan, hindi kailangan ng gas sa pagluluto, libre ang tubig at take note, fresh water mula pa sa bundok ang unlimited na supply nila rito. My point is, sagana ang kanilang pamumuhay kahit nasa gitna ng kabundukan. Natanong ko nga sa sarili ko, ‘Bakit kasi pera ang naging sukatan ng pagiging mayaman o ng sinasabing kasaganaan?’
Binabase natin ang pagunlad sa mga nabibili nating mga material na bagay o ang pagtaas ng sweldo o pera na natatamo, pero marami rin namang gastusin na pinatutunguhan ito. Pati ang kalusugan natin ay nailalagay sa risk dahil sa sobrang pagtatrabaho at polusyon sa ating kapaligiran. Ngayon tuloy, dahil sa perang ino-offer mula sa mining, may mga nasirang mga pamilya na at nahati ang komunidad na dati ay masaya at nagkakaisa. Nakakalungkot pero ito ang reality…
Pangalawa, sa parte ng kalikasan… Grabe! Grabe talaga! Namangha kami sa kagandahan ng kalikasan,tunay na napakagaling na painter, sculptor, designer, creator ng ating Panginoon! Siya na talaga! Pero sabi nga ng isang kabahagi, hindi pwedeng hanggang ‘Wow! Ang ganda ng creation.’ ang maging role natin. Taken from the theme, stewards of creation. Tayong mga tao ay may responsibilidad na pangalagaan at protektahan ang napakagandang nilikha ng ating Diyos at hindi sirain ito..
Isang gabing kami ay naghike pabalik sa aming bahay, nakakita kami ng isang punong punong-puno ng alitaptap, imagine-nin niyo na lang kung gaano kaganda ang larawang ito. Paano na ang mga insektong ito, mga hayop, mga halamanan, puno at mga isda sa tubig kung hindi natin ipe-preserve ang kanilang tirahan? Naiiyak ako nung closing worship namin dahil sa narealize ko na bilang tao, in one way or another ay napapabayaan ko ang pagaalaga sa ating kalikasan. In our own little and simple ways, we contribute to the destruction of God’s masterpiece, yet, in our own little and simple ways also, we can contribute something to preserve it.
Kailangan din naman talaga natin ng modernisasyon at industriyalisasyon. Ang pagmimina ay isa sa mga paraan tungo dito ngunit kung susobra ay hindi na magiging maganda ang epekto. Ito ay pagrespeto na rin sa mga taong maaapektuhan at sa biodiversity na nanganganib na mawala. Sabi ng isang staff namin, isang magandang repleksyon ay ‘isipin nating hindi tao ang sentro ng lahat ng bagay kabilang angkalikasan, kundi bawat isa ay magkakaugnay.’…
Pangatlo, ang pagkakaroon ng pakialam sa ating kapwa. Kadalasan kasi ang mga aka kristiyano ay nakakulong sa apat na sulok ng simbahan.. Busy solving the problems sa loob at hindi na nakakalabas para makialam sa isyus sa labas. Kaunti nga lang ang may alam na mainit na isyu ngayon ang mining e, na may mga taong nangangailangan ng tulong kahit siguro sa panalangin lang. Sabi nga sa amin, hindi naman na kailangan lumayo ka pa katulad ng pagpunta sa mga bundok o liblib na mga lugar para lang magampanan ang iyong misyon. Andaming urban poor sa paligid, mga matatandang inabandona, mga batang palaboy, atbp.
Minsan kasi nakukuntento na tayo sa feeding program, evangelistic night, pagbisita sa mga miyembro ng simbahan, mga fellowship at iba pang mga activities na ginagawa ng simbahan natin. Pero nagiging kabahagi ba talaga tayo ng buhay nila o ginagawa lang natin ito para masabing may nagawa tayo?
Bago ako pumunta dito sa KaBAHAGIKa, tinanong ko ang sarili, anong silbi ng gagawin ko? Matatapos ang programang ito, ngunit ano ang sense bakit sasama ako dito?
At ipinakita sa akin ng Panginoon na ang buhay at pananampalatayang meron ako ay made to share. Na wala sa programa, lugar o panahon ang pagiging Kristiyano. Ito ay panghabang buhay, mula sa isang buhay na nagpapahalaga para sa isa na namang buhay. Simple, sa lahat ng mapupuntahan natin, dapat makita ang pagiging Kristiyano na magiiwan ng isang impluwensiya sa makakakita at maaaring maging daan pa upang makilala nila at makaniig nila ang Diyos.
Mahirap magkaroon ng pakialam sa iba lalo na pag pilit. Selfish ang nature natin e, pero once we follow Jesus’ footsteps, we will learn little by little how to live life selflessly, sharing it to others. Ganyan ang nagagawa ng kabahagika, nilalabas ang mga kabataan sa simbahan para makita ang other side of the coin and for them to be part ng buhay ng mga taong kanilang makakasalamuha. Personally, nakatulong ito para mas lumawak ang aking kaisipan sa mga bagay bagay at sa aking pananampalataya.
Panghuli, ang pagkamulat sa mga gantong bagay ay isang tawag mula sa Panginoon para sa pagkilos. Everything has an end ika nga, kahit ang programang ito at ang mga karanasan… Pero ang tanong, ‘What’s next?’. Ito siguro ang magsisilbing hamon para sa mga naging kabahagi, iba-iba man tayo ng call for action, one thing is for sure, we are called to act!
Kung may think before you click, sa’tin siguro pwedeng PRAY before you think, PRAY before you speak, PRAY before you act. Mahalaga na sa lahat ng bagay include natin lagi ang Panginoon.
Muli ang tanong, ano nga ba ang magagawa ko bilang isang Kristiyanong kabataan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento